Airport Road

Tuwing dumadaan ako sa kalsadang ito, alin man sa dalawa ang aking nararamdaman: maaring napakasaya o maaring napakalungkot.

Pumapatak na naman ang ulan. Kasabay ng pilit kong pag- pigil ng luha na lumagaslas mula sa aking mga mata. Dahil alam ko na kapag nasimulang tumulo ang mga ito, hindi ko na mapipigilan pa na sumunod ang napakarami pang mga luha. Hindi daw dapat umiyak ang mga lalaki sabi ng nakararami. Kalokohan. Bawat tao may kahinaan, mapa-lalaki o mapa-babae man. Ito na siguro ang kahinaan ko. Marupok. Mahina pag dating sa mga ganitong bagay. Ayaw kong ipakita sa kanila na malungkot ako. Kahit alam ko na nararamdaman din nila ito. Napakabilis ng panahon. Akalain mong isang buwan at kalahati na pala agad ang lumipas. Hindi ko namalayan. Marahil siguro sa loob ng mahigit isang buwan na iyon, nakumpleto ulit ang pamilya ko. At sa sobrang kasiyahan ko, hindi ko na namalayan na tumatakbo pala ang oras.

Berde. Dilaw. Pula. Tumigil ang sasakyan sa harap ng stoplight. Nasa airport road na kami. Wala pa ring tigil ang pagpatak ng ulan sa salamin ng kotse kasabay ng unti unting pagsikip ng aking dibdib habang pinipigilan ko ang pag-iyak. Sana nagka-stoplight nalang ang oras. Ng sa gayo’y mapigil ang oras kahit sandali. Kahit isang saglit. Natatakot ako na agad nang marating ang dulo ng kalsadang ito. Ayaw ko pang kunin nila ang mga bagahe nila. Ayaw kong nakikita silang unti-unting pumapasok roon ng nakikita kong nangingilid din ang mga luha sa kanilang mga mata. Ayaw ko. Ayaw ko. Ngunit balibaligtarin man ang sitwasyon, darating parin ang oras na magkukulay berde na ulit ang ilaw ng stoplight. Huminga ako ng malalim, tumingin sa kanila, at pumatak ang unang luha mula sa aking mata. Berde. Umandar na ang sasakyan.

Mahirap ang mapalayo sa mga magulang. Hindi dahil walang naglalaba ng damit mo o dahil walang nagluluto ng agahan mo. Mahirap dahil alam mo na kahit makakuha ka ng matataas na marka, o magkaroon ng maraming kaibigan, alam mo parin sa sarili mo na mayroon paring kulang. Wala akong kahit katiting na galit o tampo sa kanila. Hindi ko sila masisisi. Sa katunayan nga, hinahangaan ko pa sila. Alam kong hindi madali ang buhay sa ibang bansa. Nanggaling ako doon mula pagkabata hanggang sa mag-elementarya. Nakita ko ang mga paghihirap nila para mabili lamang ang mga gusto namin; ang bawat sakripisyo nila na gumising ng maaga araw-araw para pumasok sa opisina para mapag-aral lamang kami sa mga magagandang eskwelahan. Hindi ko napapansin iyon noong bata pa lamang ako. Ngunit ngayon, mas pinahahalagahan ko na ang bawat sakripisyo na kanilang ginagawa para sa amin.
Sakripisyo. Iyan ang salitang madalas na sinasabi sa akin tuwing nakikita akong umiiyak dala ng panandalian nilang paglisan. Kami nag-aaral dito, sila naman ay magtatrabaho doon. Sakripisyo nga kung maituturing. Alam kong tinitiis nila ang kalungkutan sa ibang bansa para sa amin. At kami naman, nag-aaral ng mabuti para din sa kanila.

Ninoy Aquino International Airport. Departure. Ito na ang dulo ng kalsada. Pumarada na ang sasakyan sa tapat ng Entrance. Dumating na naman ang ayaw kong mangyari. Nauna silang bumaba ng sasakyan habang inilalabas ang kanilang mga bagahe mula sa likod ng sasakyan. Ayaw ko na sanang makita ang malungkot na pangyayaring ito, ngunit hindi ko mapigilan ang sarili ko na manatili lang sa loob habang makita silang papasok ng paliparan. Bumaba ako ng sasakyan, nilapitan sila at niyakap ng mahigpit. “Sakripisyo lang anak”, pabulong na sinabi nila sa amin. Nang marinig ko ang sinabi nilang iyon, wala akong nagawa kung hindi ang umiyak at mas higpitan pa ang pagkakayakap sa kanila. Hinahangad na sa pagyakap na ito, ay hindi na sila umalis sa tabi ko. Umiiyak ako, umiiyak din sila. Halos taon-taon ko nararanasan ang ganitong pangyayari. Akala ko sanay ako. Hindi pa pala.

“Sakripisyo”, sinabi ko sa sarili ko.

Sana hindi nalang pumupugto ang mga mata pagkatapos umiyak. Nang sa gayon ay hindi na makita ng iba na dumaan ako sa kalungkutan. Ayaw kong ipakita na nalulungkot ako sa harap ng ibang tao. Hindi dahil sa ikinahihiya ko ito, ayaw ko lang na malungkot din sila dahil lamang sa malungkot ako. Dahil kapag nangyari iyon, mas malulungkot pa lalo ako. Kaya dinadaan ko nalang sa ngiti ang tawa ang lahat. Ha-ha-ha-ha.

Tumila na ang ulan. Ngunit hindi parin natila ang mga luha ko. Binabaybay na namin pauwi ang kalsada mula sa airport. Tahimik na ang kanina’y puno ng kwentuhan na sasakyan. Dalawang taon na naman ang aking hihintayin. Mabilis lang daw iyon sabi nila. Sana nga ganoon lang kabilis iyon.

Tuwing dumadaan ako sa kalsadang ito, alin man sa dalawa ang aking nararamdaman: maaring napakasaya o maaring napakalungkot; maaring para salubungin sila o maaring magpaalam sa kanila. Sa ngayon, kalungkutan ang naramdaman ko sa pagtahak ko dito. Ngunit alam kong makalipas ang dalawang taon, kasiyahan naman ang mararamdaman ko.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s