PASKO-PAKSIW; PAKSO-PASKIW: Mga Kwento ng Paskong Walang Paksiw

90 na araw nalang bago magpasko. Nakasulat ka na ba ng letter para kay Santa? Ako? Syempre naman. Gusto mong mabasa ang sulat ko para sa kanya? Eto oh:

Dear Santa,
Kumusta ka na? Malamig ba dyan sa North Pole? Si Rudolf kumusta na? Mapula parin ba ilong? Santa, gusto ko po sana humiling ng Tamagochi na kulay blue. Gusto ko po kasi ‘non eh. Uso po yun sa school. Please po. Magpapakabait po ako promise. Thank You Santa.

Love, Pat-Pat

P.S.: Tamagochi ko po ha. Huwag niyong kalimutan. Thank You po ulit.

Naalala ko pa nung bata pa ako, nagsulat ako kay Santa humihiling na sana bigyan niya ako ng Tamagochi. Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit gustong gusto ko magkaroon nun. Ayaw ko naman mag-alaga ng pet dun. Siguro gusto ko lang kasi makiuso. Tinupad naman ni Santa ang hiling ko. Medyo nadismaya nga lang ako dahil kulay Red ang binigay niya sa akin. Pero ayos na din. Maganda naman ang mga design nya sa gilid. Agad kong pinangalanan ang likod nito habang hirap na hirap magsulat sa limitadong espasyo: “PAT-PAT” (Palayaw ko ng bata. Hanggang ngayon.). Yes! It’s play time! =D

Asan na ang tamagochi ko ngayon?

Wala na. Ginawa ko nalang keychain kasama ng susi ng bodega. Di na rin naman nagana eh. Nabasa ng tubig kasi hanggang banyo dinadala ko. Adik ako noong bata eh.

Taon-Taon ako kung magsulat kay Santa noong bata ako. Nilalagay ko ito sa isang malaking medyas na kulay pula na tinahi pa ng mommy ko. Iba’t Ibang hiling ang sinusulat ko. Halos lahat naman binibigay niya. Minsan pa nga, sumasagot siya sa sulat ko. Magpakabait daw ako at huwag daw susuway sa mga magulang. Tuwang tuwa naman ako dahil kalakip ng pagsagot niya ay ang katuparan sa hiling kong regalo sa kanya.

Nakakatuwang isipin na naniwala noon ang halos lahat sa atin kay Santa Claus. Nabuo sa isip natin na ang hitsura ng taong nagbibigay ng saya sa atin noong bata pa tayo ay isang matabang taong nakasuot ng kulay pula, may mahaba at kulot-kulot na buhok na animo’y bulak, at kung tumawa ay hindi mo malaman kung tumatawa nga ba o umiiyak na. Ho-Ho-Ho. Ginusto kong makita noon si Santa sa personal. Malay mo, mas payat pala siya sa personal. O di kaya naman hindi naman pala kulay bulak ang buhok niya at straight naman pala. Baka blonde siya? O di kaya naman hindi siya ganoon tumawa. Baka magkasing tawa sila ni Boy Abunda? Kung kaya naman isang gabi, nag-espiya ako. Nagkunwariang mahimbing na natutulog pero mulat naman ang isang mata sa pag-aabang. Wala akong napala. Napuyat lang ako. Ayun ang alamat ng una kong eyebags.

Naniniwala pa ba ako kay Santa Claus ngayon?

Hindi na. Matapos kong mahuli ang daddy ko isang gabi habang naglalagay ng regalo sa pulang medyas na pinaglalagyan ni “Santa” ng mga regalo para sa akin. Gulat na gulat siya ng makita niya akong nakatingin sa kanya. Sabi nya nalang: “Ho-Ho-Ho! Merry Christmas!”. Napatawa naman ako sa pangyayaring iyon. Ngayon, alam ko na itsura ni Santa.

Ibang iba nga talaga ang pasko dito sa Pinas. Bukod sa pwedeng mamasko sa mga ninang at ninong ng mga malulutong na salapi, ay pwede ding i-celebrate ang pasko ng walang limitasyon. Noong nagpapasko kasi ako sa Saudi ay hindi ganoon katunog ang pasko. Magkaiba kasi ng pananampalataya ang dalawang bansang nabanggit. Natatandaan ko nga isang beses noong magpasko kami doon, ginanap namin ang Noche Buena sa isang fast food chain (Pizza Hut) kasama ng buong pamilya ko. Ayos naman. Naging Masaya naman ako noon habang nag-eenjoy maglaro sa playzone ng kainang iyon. Marami ding mga pamilyang Pilipino ang doon nag-celebrate ng Noche Buena nila. Ganoon nga siguro ang mga Pinoy, kahit sa maliit na paraan pinapahalagahan parin ang diwa ng pasko.

Isa sa mga gusto kong gawin ngayong darating na kapaskuhan ay ang makumpleto ang simbang gabi. Sa buong buhay ko, hindi ko pa nararanasan ang maka-bingo sa pagattend ng buong simbang gabi. Bakit? Isa lamang ang dahilan para dyan. (At ang dahilang ito rin ang kadalasang nagiging dahilang ng hindi ko pagkuha ng quiz sa mga first subjects o di kaya naman ay ang pagkasermon sa akin ng mga propesor kasabay ang pagsabi ng Golden question: “Why are you late?!”). Ang dahilan: Katamarang gumising ng maaga. Sa mga nagbabasa nito, pwedeng humingi ng pabor? Gisingin niyo naman ako lagi kapag simbang gabi na oh. Para naman makumpleto ko ngayong taon. Maagang pasasalamat sa inyo. =D

CHANGE MOOD.

Ilang pasko na akong malungkot. Malungkot pala ang kumain ng Noche Buena ng hindi kumpleto. Kung titignan ang mga nakahain sa mesa: Fried Chicken, Spaghetti, Kanin, Menudo, Keso de bola, Hamon, at iba pa. Kung titignan ang mga upuan sa paligid ng mesa: Ako, Ate ko, Blanko, Blanko, Blanko. Nakakalungkot. Kami lang pala ng ate ko ang sasalubong sa pasko. Kung sana andito lang sila kasama namin. Kung sana nakaupo sila sa bilog na mesa iyon habang masayang nagkkwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay. Mula kasi noong high school ako, hindi ko na ulit naranasan ang Noche Buenang kasama sila. Mas Masaya pala ang Noche Buena kapag kumpleto at puno hindi lamang ang mesa kundi pati rin ang mga upuan sa paligid nito. Kung sana nalaman ko iyon noon pa lamang, edi sana hindi na ako nag-aksaya ng oras na piling maglaro sa play area ng mga restaurant na kinakain naming tuwing nagnoNoche Buena kami ng magkakasama noong bata palang ako at mas pinili kong mas magtuon ng oras na makipagkwentuhan sa kanila.

Daddy, Mommy, at Ichie. Miss na miss ko na kayo. =C Sana andito kayo ngayong pasko. Nakakalungkot na kasi eh. =,C

Muli, Gusto ko nang maniwala ulit kay Santa. Baka sakaling pagbigyan na nya ang hiling ko. 😦

PASKO PAKSIW PASKO PAKSIW PASKO PAKSIW PASKO PAKSIW.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s