Pag-ibig at Paglisan

image

Hawak ang purol na lapis at sira sirang kwaderno.
Pilit ginuguhit ang mga alaala nating dalawa.
Mga masasayang alaala sana ng pagmamahalan;
Mga alaalang hindi naman nangyari;
Mga alaalang inipot mula sa imahinasyon;
Mga alaalang kailanma’y hindi naging realidad.

Hayaan mo muna akong sambitin ang mga katagang matagal nang nakaimbak sa takot at pangamba.
Maari kang makinig.
O maari mo ding takpan ang iyong mga tenga.

Sa unang pagkakataon,
Nagipon ng lakas ng loob para sabihin.
Habang ramdam ang dumadagundong na pulso at dinig ang naghuhumiyaw na damdamin.
Huminga ng malalim.

Heto na.

Sasabihin ko na:

Mahal kita.

Hindi ko alam kung magugulat ka pa.
O dati pa lamang ay pansin mo na.
Patawad.
Hindi ko sinadya.
Ngunit alam ko namang suntok sa buwan.
Dahil meron nang “siya”.

Alam ko.
Masaya ka na sa piling niya.
Huwag kang mag-alala.
Hindi kita aagawin.  Hindi ako manggugulo.
Hindi ako magiging kontrabida sa teleserye na pinagbibidahan niyo.
Sino lang ba naman ako?
Tanggap ko naman na dakilang sidekick lang ako.
Isang tagahanga mula sa malayo.
Isang tagahangang nagmamasid sa distansya.
Pinapaniwala ang sarili,  kahit saglit lamang,  na sa akin nakabaling ang iyong tingin.
At hindi sa kanya.

Sapat na sa akin ang nakikita kang ngumiti.
Mga ngiting tila pinagtagpo ng nakaraan at kinabukasan;
Ng kanluran at silangan;
Ng sinauna at moderno;
Ng hanging habagat at amihan.
Ngiting tila isang perlas na sinisid pa sa kaibuturan ng karagatang pasipiko.
Mga ngiting nais balutin sa kumikinang na tela at iregalo sa sarili tuwing pasko.
Mga ngiting o kay sarap pagmasdan.
Mga ngiting siyang bumuhay sa alab ng lumbay at kay bigat na pasanin.
Mga ngiting alam kong kailanma’y hindi magiging tungkol sa akin.

Oo.
Tanggap ko na.
Hindi para sa ating dalawa ang kwentong ito.
At patapos na ang napakahabang nobela nating dalawa na gawa-gawa ko.
Kung kaya’t sa mga huling mga talata nito,
Bubuksan na lamang ang mga palad
Habang hinahayaang liparin sa saliw ng banayad na hangin ang pira pirasong nitong mga pahina;
Mga pahinang saad ang mga salitang kailanma’y hindi ko man lamang nabigkas.
Mga pahina na kailanma’y hindi naman nagsimula ngunit agad ding nagwakas.
Ipipikit at ikukubli na lamang ang sakit.
Habang matamis na tatanggapin ang mapait na katotohanan:
Ikaw.
Ako.
Walang tayo.

At mula ngayon,
Pinalalalaya na kita.
Kasabay ng pagpepermiso sa aking sarili na huwag nang masaktan pa.
Pinalalaya na kita mula sa matagal mong pagkakabigkis sa ulirat ko.
Dahil alam kong mahigpit na.
Pinalalaya na kita mula sa matagal mong pagtakbo sa kamalayan ko.
Dahil alam kong pagod ka na.
Pinalalaya na kita mula sa matagal mong pagkakakulong sa damdamin kong hindi manlang nasilayan ang bukang liwayway.
Dahil alam kong hindi ka na makahinga.
Pinalalaya na kita.
Tulad ng mga sulat ko para sa iyo na nakasilid sa aking pitaka.
Tulad ng mga talulot ng rosas na dapat sana’y inalay sa iyo na ilang taon nang nalanta.
Tulad ng mga pagkakataong ‘sayang’
Tulad ng mga pagkakataong ‘paano kung’
Tulad ng mga pagkakataong ‘sana’.
Ibabaon na lamang sa limot at ipagpapasalamat.
Na minsa’ y nagmahal,  nasaktan, nabigo, at pilit na babangon.
Kahit paunti-unti.
Kahit dahan-dahan.

Ikaw ay dagat. Ako ay buwan.
Magtatagpo panandalian.
Ngunit sa isa’t isa’y agad ding magpapaalam.

Sa huling pagkakataon,
Nagipon ng lakas ng loob para sabihin.
Habang ramdam ang dumadagundong na pulso at dinig ang naghuhumiyaw na damdamin.
Huminga ng malalim.

Heto na.

Sasabihin ko na:

Mahal kita.

At pangako,

Kakalimutan na kita.

Advertisements

Katam

Nakatulala.
Walang ginagawa.
Hinahayaang lumipas ang oras.
Kumilos ka nga.
Huwag kang tatamad-tamad.
Tik.  Tok.  Tik.  Tok.
Tumatakbo ang panahon.
Baka maiwan ka.
Hindi ka nito aantayin,
Bagkos,  ay pagtatawanan pa
kapag nadapa sa paghahabol sa kanya.
Huwag kang umasa sa kapalaran.
Gago.
Hindi ka na bata para sa pantasya.
Hindi ka na bata para pagsabihan pa.
Hindi ka na bata para pagsilbihan pa.
Walang maghahain para sa iyo ng iyong hapunan.
Kahit pa mabutas pa sa gutom ang iyong kalamnan.
Hoy gising.
Hindi ka senyorito at anak mayaman.
Huwag kang hibang.
Hindi ka aasenso sa pagtitig sa kisame,
O pagkagat-kagat ng kuko sa iyong mga daliri.
Putangina.
Ano bang kinatatamaran mo?
Ang malamig na tubig sa banyo?
Ang nobelang sermon ng nanay mo?
Ang damit mong hindi pa plantyado?
Aba,  bumangon ka na nga lang.
Tumaya ka na nga lang ng lotto.

Pangarap

Noong bata pa ako,
Ninais kong maging isang manunulat;
Magsalaysay ng kwento ng pag-ibig at kabiguan,
Maglimbag ng mga kwentong isinilang sa kaibuturan ng aking imahinsayon.

Noong bata pa ako,
Ninais kong maging isang pintor;
Maging isang alamat ng sining,
Lapatan ng iba’t ibang kulay ang bawat likhang kwadro,
Iguhit ang kagandahan ng mga biyayang ipinagkaloob sa akin, gamit ang aking mga kamay at brotsa.

Noong bata pa ako,
Ninais kong maging isang pari;
Mahalin ang Diyos buo ng aking buhay,
Iaalay ang aking buong puso sa paglilingkod sa kanya at sa kapwa,
Maging tulay upang maibahagi ang kanyang mga salita at mabuting balita.

Noong bata pa ako,
Ninais kong maging isang piloto;
Kaibiganin ang langit at mga ulap,
Makapaglakbay sa mga lugar na hindi kayang abutin ng aking mga paa.
Parang isang ligaw na ibong ginagalugad ang napakalawak na paraiso.

Noong bata pa ako,
Ninais kong maging isang doktor;
Pag-aralan at unawain ang kumplikadong anatomiya ng ating templo;
Magsilbing instrumento ng paggaling.
Isaisip ang siyensya,  isapuso ang pagkalinga.

Noong bata pa ako,
Ninais kong maging isang aktor;
Isadula ang mga emosyong hiram sa panitikan,
Suotin ang libo-libong maskara ng iba`t ibang mga katauhan,
Upang kahit saglit ay makubli ang tinatakpan nitong kalungkutan.

Hindi mabilang na pangarap.
Hindi mabilang na kabiguan.
Hindi mabilang na “sana” .

Ngayon,
Isa na lamang ang nais ko.

Ang maging masaya.

Simple.
Pero pinaka-mahirap tuparin.