Pag-ibig at Paglisan

image

Hawak ang purol na lapis at sira sirang kwaderno.
Pilit ginuguhit ang mga alaala nating dalawa.
Mga masasayang alaala sana ng pagmamahalan;
Mga alaalang hindi naman nangyari;
Mga alaalang inipot mula sa imahinasyon;
Mga alaalang kailanma’y hindi naging realidad.

Hayaan mo muna akong sambitin ang mga katagang matagal nang nakaimbak sa takot at pangamba.
Maari kang makinig.
O maari mo ding takpan ang iyong mga tenga.

Sa unang pagkakataon,
Nagipon ng lakas ng loob para sabihin.
Habang ramdam ang dumadagundong na pulso at dinig ang naghuhumiyaw na damdamin.
Huminga ng malalim.

Heto na.

Sasabihin ko na:

Mahal kita.

Hindi ko alam kung magugulat ka pa.
O dati pa lamang ay pansin mo na.
Patawad.
Hindi ko sinadya.
Ngunit alam ko namang suntok sa buwan.
Dahil meron nang “siya”.

Alam ko.
Masaya ka na sa piling niya.
Huwag kang mag-alala.
Hindi kita aagawin.  Hindi ako manggugulo.
Hindi ako magiging kontrabida sa teleserye na pinagbibidahan niyo.
Sino lang ba naman ako?
Tanggap ko naman na dakilang sidekick lang ako.
Isang tagahanga mula sa malayo.
Isang tagahangang nagmamasid sa distansya.
Pinapaniwala ang sarili,  kahit saglit lamang,  na sa akin nakabaling ang iyong tingin.
At hindi sa kanya.

Sapat na sa akin ang nakikita kang ngumiti.
Mga ngiting tila pinagtagpo ng nakaraan at kinabukasan;
Ng kanluran at silangan;
Ng sinauna at moderno;
Ng hanging habagat at amihan.
Ngiting tila isang perlas na sinisid pa sa kaibuturan ng karagatang pasipiko.
Mga ngiting nais balutin sa kumikinang na tela at iregalo sa sarili tuwing pasko.
Mga ngiting o kay sarap pagmasdan.
Mga ngiting siyang bumuhay sa alab ng lumbay at kay bigat na pasanin.
Mga ngiting alam kong kailanma’y hindi magiging tungkol sa akin.

Oo.
Tanggap ko na.
Hindi para sa ating dalawa ang kwentong ito.
At patapos na ang napakahabang nobela nating dalawa na gawa-gawa ko.
Kung kaya’t sa mga huling mga talata nito,
Bubuksan na lamang ang mga palad
Habang hinahayaang liparin sa saliw ng banayad na hangin ang pira pirasong nitong mga pahina;
Mga pahinang saad ang mga salitang kailanma’y hindi ko man lamang nabigkas.
Mga pahina na kailanma’y hindi naman nagsimula ngunit agad ding nagwakas.
Ipipikit at ikukubli na lamang ang sakit.
Habang matamis na tatanggapin ang mapait na katotohanan:
Ikaw.
Ako.
Walang tayo.

At mula ngayon,
Pinalalalaya na kita.
Kasabay ng pagpepermiso sa aking sarili na huwag nang masaktan pa.
Pinalalaya na kita mula sa matagal mong pagkakabigkis sa ulirat ko.
Dahil alam kong mahigpit na.
Pinalalaya na kita mula sa matagal mong pagtakbo sa kamalayan ko.
Dahil alam kong pagod ka na.
Pinalalaya na kita mula sa matagal mong pagkakakulong sa damdamin kong hindi manlang nasilayan ang bukang liwayway.
Dahil alam kong hindi ka na makahinga.
Pinalalaya na kita.
Tulad ng mga sulat ko para sa iyo na nakasilid sa aking pitaka.
Tulad ng mga talulot ng rosas na dapat sana’y inalay sa iyo na ilang taon nang nalanta.
Tulad ng mga pagkakataong ‘sayang’
Tulad ng mga pagkakataong ‘paano kung’
Tulad ng mga pagkakataong ‘sana’.
Ibabaon na lamang sa limot at ipagpapasalamat.
Na minsa’ y nagmahal,  nasaktan, nabigo, at pilit na babangon.
Kahit paunti-unti.
Kahit dahan-dahan.

Ikaw ay dagat. Ako ay buwan.
Magtatagpo panandalian.
Ngunit sa isa’t isa’y agad ding magpapaalam.

Sa huling pagkakataon,
Nagipon ng lakas ng loob para sabihin.
Habang ramdam ang dumadagundong na pulso at dinig ang naghuhumiyaw na damdamin.
Huminga ng malalim.

Heto na.

Sasabihin ko na:

Mahal kita.

At pangako,

Kakalimutan na kita.

15 thoughts on “Pag-ibig at Paglisan

  1. Liban sa aking isipan ang kalungkutan
    Bagama’t puno ng hinagpis ang sinaad
    Pinagyaman na mga panambitan ang yapus-yapos
    Tila isang melodiyang humahaplos

    Liked by 1 person

Leave a comment