Hindi tayo si Popoy at si Basha

image

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Dalawang tao lamang tayo na pinagtagpo ng kasaysayan at pagkakataon.
Panandalian.
Pansamantala.
Na kailanma’y hindi na muli magkukrus ang mga landas.
Dahil hindi tayo tauhan sa gawa gawang pelikula na naniniwalang may happy ending.
Na may pagtatagpo matapos ang mahabang prusisyon.
Na umaasa sa mga bagay na kailanman hindi naman na maibabalik pa.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Narito na tayo sa bagong yugto,
Na kung saan may kanya-kanya na tayong kabanata at pag-iral.
Na kung saan kailangan na nating tuldukan ang napakahabang pangungusap.
Dahil salungat na ang kwento ng buhay nating dalawa.
Ikaw, patungong paglimot at paghilom.
Ako,Β naiwan dito na wasak at miserable.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Tapos na akong umasa na sana ako nalang.
Sana ako nalang ulit.
Lunod na ako sa kamandag ng serbesang naging kaibigan ko sa malulungkot na mga gabi;
Puwing na sa hindi pagkurap sa kaka-antay ng mensahe na kailanma’y hindi naman muling dumating;
Pagod na.
Parang isang lumang orasan na naubusan ng baterya sa kahahabol ng bawat segundo.
Manhid na sa sakit;
Wala nang maramdaman.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Dahil tuloy pa din ang buhay matapos man ang credits ng pelikula.
Tuloy pa din ang mahaba at masalimuot na proseso ng paglimot matapos rumolyo ang mga kamera.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Dahil ang kwento natin,
Hindi pang happy ending.
Hindi pang-blockbuster.
Hindi pang one more chance.

Kung kaya’t ibabaon na lamang sa limot ang istorya nilang dalawa.
Itatapon na ang kakarampot na upos ng pag-asa na ibinahagi nila.
Bibitawan na ang mga pangakong napako at mga salitang nalusaw ng paghihintay.
Dahil ang kwento nila ay hindi natin magiging kwento.
Dahil sa bersyon natin,
Wala nang magaganap na ikalawang pagkakataon.
Salamat sa masasayang alaala.
Mahal na mahal kita.
At ang sakit sakit na.