Hindi tayo si Popoy at si Basha

image

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Dalawang tao lamang tayo na pinagtagpo ng kasaysayan at pagkakataon.
Panandalian.
Pansamantala.
Na kailanma’y hindi na muli magkukrus ang mga landas.
Dahil hindi tayo tauhan sa gawa gawang pelikula na naniniwalang may happy ending.
Na may pagtatagpo matapos ang mahabang prusisyon.
Na umaasa sa mga bagay na kailanman hindi naman na maibabalik pa.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Narito na tayo sa bagong yugto,
Na kung saan may kanya-kanya na tayong kabanata at pag-iral.
Na kung saan kailangan na nating tuldukan ang napakahabang pangungusap.
Dahil salungat na ang kwento ng buhay nating dalawa.
Ikaw, patungong paglimot at paghilom.
Ako, naiwan dito na wasak at miserable.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Tapos na akong umasa na sana ako nalang.
Sana ako nalang ulit.
Lunod na ako sa kamandag ng serbesang naging kaibigan ko sa malulungkot na mga gabi;
Puwing na sa hindi pagkurap sa kaka-antay ng mensahe na kailanma’y hindi naman muling dumating;
Pagod na.
Parang isang lumang orasan na naubusan ng baterya sa kahahabol ng bawat segundo.
Manhid na sa sakit;
Wala nang maramdaman.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Dahil tuloy pa din ang buhay matapos man ang credits ng pelikula.
Tuloy pa din ang mahaba at masalimuot na proseso ng paglimot matapos rumolyo ang mga kamera.

Hindi tayo si Popoy at si Basha.
Dahil ang kwento natin,
Hindi pang happy ending.
Hindi pang-blockbuster.
Hindi pang one more chance.

Kung kaya’t ibabaon na lamang sa limot ang istorya nilang dalawa.
Itatapon na ang kakarampot na upos ng pag-asa na ibinahagi nila.
Bibitawan na ang mga pangakong napako at mga salitang nalusaw ng paghihintay.
Dahil ang kwento nila ay hindi natin magiging kwento.
Dahil sa bersyon natin,
Wala nang magaganap na ikalawang pagkakataon.
Salamat sa masasayang alaala.
Mahal na mahal kita.
At ang sakit sakit na.

Advertisements

200 thoughts on “Hindi tayo si Popoy at si Basha

  1. Hindi tayo si popoy at si basha.

    Sila may one more chance na, may 2nd chance pa.

    Ako kahit isang chance wala.

    Lihim kitang minamahal, samantala ang tingin mo sakin ay isang kaibigan lang.

    Isang tawag mo lang pupuntahan kita, isang text mo lang anjan na ako. Araw araw naiisip ko yung oras na magkayakap tayo, yung mga oras na magkasama tayo at mga panahong kailangan mo ng kaibigan.

    Nasasaktan ako pag may pinapakilala ka na manliligaw mo, pero alam ko na hindi ko pwedeng iparamdam sayo yung pinaparamdam nila e.

    Pero masaya pa din ako tuwing kausap, kasama, o kahit ka-text lang kita. Sobrang saya ko everytime na bume-beso ako sayo dahil kahit papaano ay halik pa ding maituturing yun.

    Baka sa parehas na buwan at taon pa tayo ikasal sa kanya-kanyang kapareha naten. Gustuhin ko man na ikaw ang nasa tabi ko ay hindi pwede.

    Sana lang ay hindi ka na nya saktan ulit. Tanging hangad ko lamang ay ang kasiyahan mo.

    Basta nandito lang ako kapag kailangan mo ulit ng isang “kaibigan”.

    Mahal kita Nina.

    -EE

    Like

  2. Sana makarelate ang iba.
    Limang dahilan kung bakit ako nag-stay sa kanya.

    1. Kahit ilang beses mo nang pinatunayan sa akin na dapat kitang iwan, hindi ako umalis. Umaasa kasi akong baka pagod ka lang o may pinagdaraanan kaya may mga pangako kang napapako at may mga nasabi kang masasakit.
    2. Siguro dahil pakiramdam ko, kailangan mo ako. Ganun naman sa pagmamahal eh. Tulungan. Kampihan. Ako kakampi mo diba? Kaya hindi kita iiwanan.
    3. Baka hindi uso sa akin ang mapagod. Na kahit ilang beses mo nang pinaramdam sa akin na parang hindi tayo para sa isa’t-isa, nag-aabang pa rin ako. Hinihintay ko na titingin ka ulit sa akin, yayakapin ako at bubulong ng “Sorry kanina. Mahal na mahal kita. Alam mo yun.”
    4. Marahil ako yung tipo ng taong mas mahal kita kaysa sa mas mahal ko ang sarili ko. Sasabihin ng iba, katangahan yun pero sa totoo lang, ikaw ang lakas ko. Masaya akong minamahal kita kahit minsan, ang sakit sakit na.
    5. Baka natatakot lang ako. Natatakot ako na mawala ka sa akin kaya ayokong umalis. Umaasa ako na pwede pang magbago. Umaasa ako na pwede pang maayos ang lahat. Natatakot akong mawala ka kasi mahal na mahal kita.Sana ganun ka rin sa akin.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s