Mapait mong “Oo”

image

“Oo.”
Sariwa pa sa ulirat ko ang salitang tila unang nakapagbigay sa akin ng mundo;
Dal’wang titik na nag-ugnay sa dalawang taong nagmamahalan.
Dal’wang titik na nagsimula ng ating maikling kwento.
Dal’wang titik na nagsimula ng akala kong magpakailanman.

Naalala ko pa ang araw na iyon,
Noong niyaya kitang mag-hapunan sa paborito nating restwaran.
Noong ipinagtapat sa’yo ang aking nararamdaman,
Habang magkalapat ang ating mga palad:
“Pwede ka bang maging akin?”

Unti-unti mong ibinaling ang iyong tingin patungo sa akin.
Nasilayan ang kinang at saya sa iyong mga mata; mga matang inibig ko.
Sinagot mo ako ng walang pag-aalinlangan at puno ng kasiguruhan:
“Oo.”

At kalakip ng salitang iyon ang pangako na habambuhay na pagmamahalan.
Habang pinagmasdan ko ang iyong mga ngiti, nakita ko ang aking kinabukasan;
Ang ating kinabukasan.

Pero bakit nagkaganito?
Bakit naging ganito?
Ang dating puno ng pag-ibig na lamesa,Ā  napalitan na lamang ng galit,
Ng mga tanong,
Ng mga pagdududa.
Tila naging dayuhan na tayo sa paraisong minsan nating pinangarap mabuo.
Hindi na kilala ang isa’t isa.
Sino ka?
Bakit hindi na kita makilala?

Narito tayo sa mismong lugar kung saan nagsimula ang ating nobela.
Nananahimik ka sa kabilang dulo ng hapag.
Habang suot suot ang paborito mong kahel na bestida;
Habang dahan-dahan mong inuubos ang paborito mong salad;
Habang nakatingin sa kawalan;
Habang tila mas kinakausap mo pa ang tinidor na hawak mo kaysa sa akin;
Habang mas maingay ang katahimikan at sumisigaw ang mga kinukubling katanungan.

Isang dipa lamang ang layo ng ating mga upuan,
Pero bakit tila milya-milya ang layo nito sa pagitan.

Anong nangyari?
Anong nagbago?
Hindi ba’t masaya naman tayo?
Hindi ba’t masaya naman tayo noon?

Narito na tayo sa yugtong alam natin kung paano magwawakas ang eksenang ito.
Kung saan alam nating wala nang sasaklolo.

Lumunok ng mainam.
Nagipon ng kakarampot na boses para itanong ang nakasilid na katanungan.
Tanong na pilit sinisilid pero pilit na kumakawala.
Pilit binigkas kahit matagal nang alam ang kasagutan:

“Gusto mo na bang tapusin ito?”

Dahan-dahan akong pinapatay habang hinihintay ang iyong kasagutan.
Ilang segundo ng katahimika’y tila naging isang dekada.

“Gusto mo na bang tapusin ito?”

Unti-unti mong ibinaling ang iyong tingin patungo sa akin.
Pumatak ang unang luha sa iyong mga mata;
Mga matang inibig ko,Ā  at iniibig pa din hanggang ngayon.
Sinagot mo ako ng walang pag-aalinlangan at puno ng kasiguruhan,
Habang pinagmasdan ko ang iyong mga luha, nakita ko ang aking katapusan.
Ang ating katapusan.

Marahan mong hinawakan ang aking mga kamay sa huling pagkakataon.
Tumingin sa aking mga mata na tila tumagos sa aking kaluluwa.
Niyakap ako ng mahigpit;
Yakap na ayaw kong pakawalan,Ā  pero kailangan.
At namutawi sa iyong mga labi ang kasagutan:

“Oo.”

Gumuho ang aking mundo,
Niyurak ang paraiso na minsa’y pinangarap nating mabuo.
Lumisan ka ng walang paalam,
Habang sariwa pa rin sa aking mga pisngi ang pagsampal sa aking ng realidad na wala ka na.

Anong nangyari?
Anong nagbago?
Hindi ba’t masaya naman tayo?
Hindi ba’t masaya naman tayo noon?

“Oo.”
Dal’wang titik na nag-ugnay sa dalawang taong nagmamahalan;
Dal’wang titik na nagsimula ng akala kong magpakailanman;
Dal’wang titik na nagsimula ng ating maikling kwento;
Dal’wang titik na bumuo sa aking mundo;
Dal’wang titik;
Dal’wang tao;
Dal’wang magkasalungat na yugto;
Dal’wang titik na siya ring nagpaguho;
Dal’wang titik na siya ring nagtapos.

Advertisements

3 thoughts on “Mapait mong “Oo”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s