Pag-ibig na parang Aldub

image

Nagsimula ang ating kwento sa isang sulyap.
Sa isang ngiti;
Sa hindi mapigilang pag-ngisi.
Tila isang balaning nanggagapos,
Kinadena mo ako sa iyong mga titig,
Nilusaw sa taglay mong kariktan.
Huminto ang oras, tumigil ang mundo.
At sa mga sandaling iyon,
Naisip ko, ikaw na siguro.
Ikaw na nga siguro.
Ikaw na nga sigurado.
At doon ko napagtanto:
Minsan may mga bagay na aksidente.
Minsan may mga bagay na ‘di sinasadya.
Minsan may mga bagay na naka-tadhana.
Parang ikaw at ako.
Parang Aldub.

Hindi raw tayo bagay sabi nila.
Langit ka,  lupa lamang ako.
Ferrari ka,  kariton lamang ako.
Worsterchier sauce ka, asin lamang ako.
Ngunit sa dinami-dami ng kaibahan ng ating mapanghusgang mundo,
Alam ko,
Sila ang mali,
At ang pag-ibig na ito ang totoo.
Wala akong pakialam sa estado,
O sa distansya,
O sa layo ng pagitan nating dalawa,
Isa lang ang alam ko:
Mainenamahal kita.
Yun lamang, alam kong sapat na.
At doon ko napagtanto:
Hindi nabibili ng kahit anong pera,  salapi at kayamanan,
Ang pag-ibig ng dal’wang taong nagmamahalan.
Parang ikaw at ako.
Parang Aldub.

Minamahal ko ang iyong boses.
Ang iyong mapang-heleng tinig na humahaplos sa aking pangungulila;
Ang iyong tinig na hinahagkan ang aking pag-iisa.
Ang mga tugtuging nagmula sa iyong puso,
Ang mga tula na pag-ibig ang naging lenggwahe.
Dahil mas nangungusap ang ating mga damdamin,
Damdaming nangingibabaw sa kahit anong ingay at gulo ng mundo.
At doon ko napagtanto:
Minsan mas malakas pa ang boses na galing sa puso,
Kaysa sa namumutawi sa ating mga bibig.
Parang ikaw at ako.
Parang Aldub.

Tanggap kong hindi ito magiging madali,
At kay rami pa nating pagdaraanan.
Dahil ang isang tulad mo,
Parang isang perlas sa ilalim ng karagatan.
Kung kaya’t handang sisirin at suungin,
Sa barangay, sa broadway,  sa EDSA, sa Bicol,  o saang sulok ng mundo man,
Makapiling ka lamang.
Ang daming hamon,
Ang daming dagok,
Ang daming pagsubok.
Ngunit alam ko,
Alam natin, na kaya nating malagpasan.
Hindi ba’t ikaw na rin ang may sabi:
“Ang layo na ng narating natin.
Ngayon pa ba tayo susuko?”
At doon ko napagtanto:
Hindi lahat ng bagay makukuha agad-agad,
Ng madalian,
Ng instant.
Minsan kailangan din itong pagsumikapan;
Kailangan din itong ipaglaban.
Parang ikaw at ako.
Parang Aldub.

Hindi ko alam kung hanggang kailan,
Hindi ko alam kung hanggang saan.
Pero ito lamang ang aking pinanghahawakan:
Ito.
Tayo.
At ang pag-ibig ko para sa’yo.

Dahil alam kong darating ka din balang araw;
Alam kong darating din ang tamang panahon;
Tamang panahon para sa ating dalawa;
Tamang panahon para pitasin ang bunga ng ating matagal na pag-aantay.
At kapag dumating na tayo sa puntong iyon,
Aabangan kitang nakangiti’t nakabukas ang mga bisig,
Ibibigay ang mahigpit na akap,
At ibubulong sa iyong tenga:
“Sa wakas. Nandito ka na.
Ang tagal.  Pero sulit.”

At sa lahat ng ito:
Sa hinaba-haba ng kalyeserye at ng tulang ito,
Doon ko napagtanto:
Masarap palang umibig,
At masarap palang ibigin.

Parang ikaw at ako.
Parang Aldub.

So, pano ba yan,
Tuloy ang forever?

Advertisements

4 thoughts on “Pag-ibig na parang Aldub

  1. Nice. Galing netoo. Sana mabasa ni Ate Maine at Alden. Super Fan mo po talaga ko at isa na sa mga favorites ko pati na yung Hindi tayo si Popoy at si Basha.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s