Rush hour

image
Photo © Jhemsky San Pedro

Nakatayong pinagmamasdan ang bilis ng mundo.
Habang nanlalagkit at namumuo ang pawis sa leeg at noo.
Nakapila at nakatayo habang namumulikat sa pagod ang mga binti at paa.
Habang kipkip ang tiket ng tren sa butas-butas na bulsa.

Nalulunod sa mga taong araw-araw na pinatatakbo ng pangangailangan.
Natatabunan ng mga duguang mandirigma na unti-unting pinapatay ng salapi at yaman.
Mabibilis ang kanilang mga hakbang,
Maliliksi ang kanilang mga galaw.
Silang mga makinang de susi,
At silang mga alipin ng oras.
Hingal na hingal at walang laman ang kalamnan,
Tila uhaw na uhaw sa pagsang-ayon ng mundo,
Na akala mo lagi’y may dapat patunayan.

Dahan-dahan lang sa paghahabol,
Dahil baka ikaw rin ang matisod
Sa sariling puntod na araw-araw mong hinuhukay gamit ang mga baryang kinayod mula sa maghapong pagtatrabaho.

Dahan-dahan lang sa paghahabol,
Dahil baka mapatid iyang mga gintong kadena sa mga paa mo;
Mga kadenang ikaw rin ang may hawak ng susi, pero mas piniling maging bilanggo.

Dahan-dahan lang sa paghahabol,
Dahil baka mahulog mula sa kinalalagyan mo,
Nakalimutan mo na bang naka-piring ka,
At bulag sa mabatong daan na pinili mo?

Hindi ka pa ba napapagod?
Hindi ka pa ba nagsasawa?

Dahil ako,
Nagpapatangay na lang sa agos,
Sa daigdig na pinaaandar ng ambisyon at numero.
Dahil sawa na akong makipagsiksikan,
Sa mundong patuloy akong sinusuka.
Nagpapataya nalang sa laro,
Dahil pagod na akong magpahabol,
Sa kalabang hindi ko naman nakikita.

Kung kaya’t uupo na lamang sa tabi,
Habang paulit-ulit na makikinig ng Overdrive at Huling El Bimbo,
Habang kumukuyakoy sa kanilang indak at ritmo,
Papanuorin  na lamang ang napakahabang pelikula ng pagpapanggap at pagkukunwari.
Aantayin nalang ang last trip ng tren na ito,
At sa mapanlinlang na mundong ito’y hindi na magpapaloko.

Muta

image

Hindi na ako iiyak.
Hindi ko na aaksayahin pa ang mga luha ko para sa’yo.
Hindi ko na gugugulin ang oras para sa mga walang kabuluhang pananariwa ng iyong mga alaala;
Mga alaalang nadurog na sa pagkababad sa mga sinayang kong mga paghikbi.
Mga luha na naging ilog kung saan ka naglayag papalayo,
Mga luha na nagsilbing kape na hindi ako pinatutulog magdamag,
Mga luha, na tulad ng patak ng ulan,
babagsak nalang nang walang pasabi,
Nang biglaan.

Hindi na ako iiyak.
Dahil alam kong wala din namang mangyayari.
Hindi ka na nito maibabalik.
Hindi ka rin naman nito mapapanatili.

Hindi na ako iiyak.
Hanggang sa manuyo ang aking mga mata.
Hanggang sa makalimutan nilang masakit pala ang mapuwing ng usok at alikabok ng dating pag-ibig.
Hanggang sa mamanhid.
Hanggang sa masanay na ito sa sakit.

Hahayaan ko na lamang angkinin ng hangin
itong mga natitirang butil sa aking pisngi,
Hanggang sa wala nang matira,
Hanggang sa maubos,
Hanggang sa matuyo na.

Hindi na ako iiyak.
Dahil wala na akong maitatangis pa.
Dahil na-iga na itong mga luha;
At natira na lamang ang mga muta sa gilid ng aking mga mata;
Mga muta na hindi na magiging kanlungan ng iyong mga alaala,
Mga mutang magiging simbolo ng una at huling pagpapaalam sa’yo,
At sa mga pangako mong natangay na din ng ilang beses na pagsusumamo.

Salamat.
Dahil ang mga mutang ito na sa mata ko’y matagal nang nanahan,
Ay ni minsa’y hindi ako binulag,
Bagkus ay mas minulat pa sa katotohanan.

Salamat.
Dahil ang mga mutang ito ay magsisilbing paalala kung gaano ako naging matatag,
Kung gaano ko kinaya,
Kung paano ako bumangon,
At kung paano ako patuloy na nakikibaka.

Kahit mag-isa.
Kahit wala ka na.

Paalam.
Dahil ang mga mutang ito ay magiging buhangin,
Na unti-unting lilibing sa iyong pangalan at sa kung anumang namagitan sa atin.

Paalam.
Dahil ang mga mutang ito,
Ay hindi na tungkol sa’yo.

Tungkol nalang ito sa akin,
At sa mga matang hindi na luluha pa.

Casting call

image

#AUDITION

Cinemalaya.
Cultural Center of The Philippines.
Auditionee no. 492

Sinubukan kong mag-audition isang beses para umarte sa pelikula.

Maniwala man kayo’t sa hindi,  pangarap ko din ang mag-artista.

Alam ko.  Suntok sa buwan.
At alam kong ang kapal ng mukha kong subukan.
Pero patawad.
Hindi niyo ako mapipigilan.

Ang mga kasama kong sumubok,  may mga kilalang pangalan na sa industriya.
Mga batikan.
Mga alam kong mas karapat-dapat.
Silang mga hinog na ng panahon at kasanayan,  at akong hilaw pa ng kamangmangan.
Silang mga pabalik na,  at akong papunta pa lamang.
Silang malapit na sa finish line,  at akong nag-wawarm-up palang.
Silang mga ilang sako na ng bigas ang nakain, at akong wala pang naaani.

Bahala na si Batman.
Ginusto ko naman ‘to.
Panindigan ang kahihiyan.
Para sa ekonomiya.
Para sa pangarap.

Nanginginig na tumayo sa harap ng iba’t ibang mga dekalibreng direktor;
Kaharap ang rumurolyong kamera na nakatutok sa aking hindi maipintang mukha at namumukadkad na pores;
Kaharap ng ilang pares na mga matang nagmamasid at nag-aantay ng aking susunod na galaw;
Humugot ng lakas ng loob sa malalim na balon ng kakapalan ng mukha;
Pautal-utal pang sinambit ang edad at pangalan,
At tinikman na ang unang butil ng bigas ng aking pangarap.

Blangko.

Hindi ko na natandaan ang mga detalye matapos. Siguro dahil hindi na ako ang umaarte ng mga sandaling ‘yon.
Baka si Batman na.

Natanggap ba ako?

Hindi.

Pero alam kong naging masaya ako paglabas ko ng kwartong ‘yon.
Dahil alam ko,  sinubukan kong sundin ang puso ko,
Kahit pahapyaw na sandali.
Kahit ilang minuto lamang.

Sumugal kahit alam kong sa simula pa lamang ay uuwi akong talunan.
Sumugal kahit alam ko naman ang kahihinatnan.

Parang pag-ibig.
Parang life.