Juan Wish

Alas dose na naman ng madaling araw. Hindi pa rin makatulog si Juan kahit na ang simoy ng hangin ay nanghehele na sa kalamigan. Ilang oras na siyang nakahiga sa papag ngunit hindi pa rin dinadalaw ng antok. Nakatingin na naman siya sa detalyadong kisame ng kanilang sira sirang bahay, tahimik na minamasid ang hindi mawaring bakas ng tulo ng noo’y dumaan na bagyo.

“Mayroon na naman akong pagkakaabalahan bukas.” Bulong nya sa kanyang sarili. Mayroon namang natitira pang kakaunting pintura mula sa pinagpagawaan nyang pakyaw na trabaho kaninang umaga sa may sabdibisyon sa kabilang barangay. Marahil ay kakasya na iyon para sa kanilang kisame.

Pilit nyang ipinikit ang kanyang mga mata. Kailangan na niyang matulog. Maaga pa siya babangon bukas para magluto ng agahan para sa kanyang mga kapatid.

“Mayroon pa namang natitirang ilang pirasong tuyo at itlog para gawing agahan mamayang umaga. Bukas ko na lamang iisipin ang para sa susunod na araw.”

Sawang sawa na si Juan sa ganitong sistema ng buhay. Sa araw- araw na tuyo, itlog, at NFA rice. Sa isang kahig-isang tuka. Sa maingay na videoke ng kapitbahay. Sa pagsalo ng tira-tira mula sa iba. Sa paggising na hindi alam kung saan pupulot ng awa para maitawid ang maghapon.

Pinilit nyang ipinikit muli ang kanyang mga mata. Pilit na winawaglit sa kanyang murang kaisipan ang mga problemang hindi dapat pinoproblema ng isang labing pitong taong gulang na bata kagaya nya. Para sa kanya, labing pitong taon na siyang bilanggo; bilanggo sa sarili nyang mundo; bilanggo sa lungkot; at bilanggo sa takot para sa kinabukasan.

Ngayong gabi sa kanyang pagtulog, mayroon lamang siyang isang tanging hiling:

“Putang inang buhay to. Sana hindi na ako magising.”

At doo’y nakatulog na siya na may luha sa kanyang mga mata.

Leave a comment